Nasyon Bilang Bansa, Nasyon Bilang Mundo
Pinaniniwalaan ni Benedict Anderson sa kanyang aklat na Imagined Communities na ang nosyon ng “nasyon” ay isang haraya lamang sapagka’t bagaman malawak ang pagkakaroon ng hindi pagkapantay-pantay sa isang lipunan, pinaniniwalaan ng lahat ng miyembro ng lipunan — kahit ano mang social class ang kanilang kinabibilangan — na lahat sila ay nagkakaisa bilang bansa dahil sa fraternity o kapatiran. Dahil sa ganitong limitadong paniniwala ng mga miyembro ng lipunan na inilikha lamang gamit ang imahinasyon, nagiging handa silang ibuwis at isakripisyo ang kanilang buhay o pumatay alang-alang sa kapakanan ng nasyon. Ang mismong konseptong ito ay makikita rin sa dulang Romulus D’Grayt ni Friedrich Dürrenmatt dahil ang mga karakter sa dula ay naging handa pumatay o kaya ay gumawa ng malalaking sakripisyo upang mailigtas ang hinaharaya nilang bayan. Ang bawat karakter sa dula ay ginawa ang kung ano ang akala nilang tama upang mahirang na bayani ng kanilang nasyon. Subalit, makikita natin sa pagsusuri na ang politikal na idelohiya ng mga karakter ay nagkakasalungat. Sa isang banda, nais pabagsakin ni Romulo ang emperyong Roma upang maipalaya ang mundo mula sa opresyon at pagpapaslang ng mga tao na parehong kaakibat ng pangangalaga sa trono ng kapangyarihan, habang ang ibang mga tauhan ay nais pabagsakin si Romulo upang mapanatili ang kapangyarihan ng emperyong Roma. Sa pagkakasalungat na ito, nagkakaroon ng isang paghaharaya sa nasyon bilang isang lupa at mga nasyonalistang mga mamamayang sinasakupan, at paghaharaya sa nasyon bilang isang daigdig.
Isang pagtatanghal ng Romulus der Große
Ang Pagsusuri
Ang Romulus D’Grayt ay isang sosyo-pulitikal na dula dahil ipinapakita nito ang mga epekto ng iba’t ibang mga kilos o isip pulitikal sa lipunan. Sa umpisa pa lamang, ipinahihiwatig ng dula na ang emperador ng Roma na si Romulo ay may sira sa ulo dahil sa halip na mag-isip siya ng mga paraan upang mailigtas ang kaniyang kaharian mula sa mga Tiyuton, ay inaaksaya lamang niya ang kanyang oras sa pagaalaga ng kaniyang mga manok. Dahil sa kakaibang ikinikilos ni Romulo tungkol sa isyu ng paglusob ng mga Tiyuton, nagsimula nang mawalan ng pag-asa ang mga ordinaryong mamamayan na naka-depende kay Romulo tulad nina Reyna Julia, Emperador Zeno, Minister of War Bellona, at Minister of State Tulia Rutonda. Sa gitna ng kaguluhan sa palasyo, dumating ang isang pagkakataon upang mailigtas ang Roma at ang Italya mula sa mga problema nito. Nais iligtas ng industrialistang si Cesarup ang mga Roman mula sa kamay ng mga Tiyutong kapalit ng pag-iisang dibdib nila ni Prinsesa Rea. Ginusto ng lahat, pati ni Prinsesa Rea, ang alok ni Cesarup alang-alang sa kinabukasan ng Roma.
Sa unang bahagi ng dula, makikita natin ang isang pinunong manhid sa mga problemang nadadanasan ng kaniyang bayan. Kahit alam na ni Romulo na padating na ang mga Tiyuton upang salakayin ang kaniyang palasyo, at baon na baon na din sa utang ang kaniyang kaharian, ay wala pa rin siyang pakialam sa mga nangyayari sa paligid niya. Siguro, nang sandaling iyon noong Marso 15, ay marami ng mga kababayang Italyano ang nadakip at patuloy na pinaparusahan ng mga Tiyuton, maraming mga Roman ang walang makain at mainom, at maraming namamatay sa mula sa mga sakit. Ngunit bagamat malinaw ang masaklap na realidad na ito ay tuluyang inaaksaya ni Romulo ang kaniyang oras sa kaniyang manukan at hinahayaang bumagsak mag-isa ang kaniyang kaharian. Kahit na si Romulo ang pinuno, at ang inatasang ipagtanggol ang kaniyang bayan, ay hinahayaan niya na lamang ito at ginagawa ang mga gusto niya. Ang pagkamanhid ni Romulo ay maihahalintulad sa maraming mga opisyales dito sa Pilipinas. Dito sa ating bansa, maraming mga opisyales ng bayan na inaaksaya ang kanilang oras at pera sa kanilang mga personal na luho — mga mamahaling mga sasakyan, paglalakbay sa ibang bansa, o pag-aaksaya ng pera sa sugalan — kahit alam nila na ilang milyong mga kababayang Pilipino ang walang desenteng tirahan at makain sa pang-araw araw na buhay. Ang mga opisyales na ito, tulad ni Romulo, ay nakalimutan na ang responsibilidad na kaakibat ng kanilang posisyon at ang responsibilidad nila sa kanilang mga kababayan at sa nasyon. (Dito pa lang makikita na natin ang pagka-haraya ng isang nasyon sa kamalayan na ang kapangyarihan ng isang bansa ay nangagaling sa isang trono o silya ng kapangyarihan lamang, at sa isang taong inihalhal o pinili bilang tagapag-alaga nito. )
Sa pagdating ni Emiliano, na para sa akin ay ang naging ultimong biktima ng dula dahil sa hirap na kaniyang dinanas, ay siyang nagtulak at nagbigay lakas sa ibang karakter upang ipatumba si Haring Romulo. Sa aking tingin, si Emiliano ay nakaranas ng isang magandang buhay bago siya madakip sapagka’t siya ay napro-protektahan ng Hari ng Roma, at minamahal ng isang napakagandang Prinsesa. Subalit siya ay nadakip at dinarasan ang tatlong pagmamalupit ng mga Tiyuton. Sa loob ng panahong ito, nagbago ang personalidad ni Emiliano — ika nga ay hindi na siya ang desenteng binata na kinikilala ng pamilya ni Romulo noon. Sa kaniyang pagkadakip ay naranasan niya ang paghihirap na dinaranas din ng napakararami, at kaya naman mararamdaman mo talaga ang kaniyang pagkagalit kay Romulo na nagmamanhid-manhiran lamanag sa pagmamalupit na nangyari. Tulad ni Emiliano, ang ordinaryong mamamayan ng ating bansa ay patuloy na inaapi ng sistemang ating iniluklok. Nagiging bikitima tayo ng korupsyon, pagnanakaw, at hindi pagkakapantay-pantay sa ating lipinunan, habang ang nasa itaas ay nagpapakasarap lamang. At kaya naman, sa ating mga ordinaryong tao nakasalalay ang desisyon kung ano ang nararapat na gawin. Kailangan nating matutong umaksyon laban sa masasamang nakatataas upang maiayos ang ating bayan.
Ang mga kaganapan sa gabing Marso 15 ang magbibigay liwanag sa mga motibasyon ni Romulo sa kaniyang pulitikal na paniniwala. Nang siya ay inanyayahang tumakas ng kaniyang asawa na si Julia, ay agad na nagpaiwan si Romulo sa palasyo upang makita ang pagbagsak nito. Dito, makikita natin kung bakit nais ni Romulo ipatumba ang emperyong Roman. Para sa kaniya, ang mundo ang nabaliw dahil pera na lamang ang pinaiiral — ito ang naging motibasyon para pumatay at sumakop ng ibang mga bayan. Naging baluktot ang pag-iisip ng mga tao na pumatay alang-alang sa bayan dahil nawawala ang ating humanidad at pagbibigay ng importansiya sa buhay ng tao. At bilang tagapangalaga ng pinakamalaking emperyo sa buong mundo, handang ipatumba ni Romulo ang Roma upang mabigyang tigil ang tuluyang pagpapatay-patayan ng mga nasyon. Ika nga ni Romulo, “sinacrifice ko ang Roma sa pag sacrifice ko sa sarili.” Handa si Romulo makilala ng kasaysayan bilang ang tagapag-udyok ng pagbagsak ng Roma, isang nakahihiyang palatandaan sa kahit na sinong emperador. Para sa kaniya, okay lang na matandaan siya sa ganitong paraan ng mga hinaharap na henerasyon, dahil sa kaniya ay nagawa niya ang nararapat na itigil ang baluktot na pag-iisip ng mundo. At itong klaseng pag-iisip rin ay patitibayin ni Odoakro na ito din ang minimithi. Ang ibig-sabihin nito, ay valid nga ang motibasyon ni Romulo, na hindi siya baliw, dahil ito ay nadadama rin ng ibang mga pinuno ng nasyon. Sa eksena ring ito ay makikita natin ang kasalungat ng pag-iisip ni Romulo, na ang nosyon ng nasyon ay ang pagmamahal sa bayan — ang nasyonalismo — sa kinikilalang teritoryal na sakop ng isang bayan, at ang pagmamahal sa kababayan. Dahil sa ganitong motibasyon, naging handa ang mga tao sa paligid ni Romulo na ipatumba siya, o kaya ay gumawa ng malaking sakripisyo para sa Roma. Handang ilisan nina Julia at Rea ang kanilang bayang minamahal, kung saan sila tumirahan ng napakatagal na panahon upang maprotektahan ang abstract thought ng nasyon. Sa kanilang pag-alis ay dadalhin nila ang Roma kasama nila. Habang sina Emiliano, Tulia Rotona, Ispurio Tito Mamma, Bellona, Kusinera, at Emperador Zeno ay handang patayin si Romulo upang mawakasan na ang pagdurugo ng Roma. Nais nilang baguhin ang politikal na sitwasyon na kinasanayan ng Roma, upang mabigyan ng bagong buhay ang Roma. Pero dito, makikita natin ang validity ng pulitikal na ideolohiya ni Romulo, na dugo nanaman ang kapalit ng trono.
Subalit, sa gitna ng napakaraming mga banta sa kaniyang buhay, nais ni Romulo tanggapin ng marangal ang kaniyang kamatayan. Para sa akin, matagal ng gustong maging patay ni Romulo dahil alam niyang sinakripisyo niya ang sarili niya para sa kapakanan ng buong mundo. Subalit bawal pa siyang mamatay hanggang nasisiguro ang pagbagsak ng emperyong Roman. At kaya naman ay kahit na maraming naging banta sa kaniyang buhay, handang handa siyang harapin ang kaniyang kamatayan noong araw ng kaganapan ng dula, dahil ang pagbagsak ng Roma ay tiyak at hindi na maiiwasan. Dagdag rito ay patay na ang ala-ala ng Roma bilang isang matatag at malakas na emperyo, at namatay na rin ang kaniyang pamilya sa paglisan nila ng Roma. Wala ng natira kay Romulo kaya’y hinaharap niya ang kaniyang kamatayan ng buong-buo. Ang kamatayan ay sentral na ideya sa librong Imagined Communities, dahil ang kamatayan, para kay Anderson, ang isang nagtutulak sa isang bayan na iharaya ang nasyon. Ang nosyon ng nasyon ay nalilikha sa pamamagitan ng kamatayan ng mga tao. Ang pagkamatay ng ating mga ninuno mula sa mga digmaan o kaya sa pagtulong sa pagunlad ng bayan ang nagluluklok sa pagtatag ng ating bansa. Dahil sa nasyunalismo, nagiging handa ang mga tao na isakripisyo ang sarili nila dahil alam nila na ang kanilang bayan ay eternal.
Bilang koneskyon sa dula, ang karakter ni Ispurio Tito Mamma at ni Emiliano ay nagtiis ng napakaraming paghihirap. Kahit ganito, pinili nilang lumaban at mabuhay upang matulungan ang Roma. Para sa dalawa, ang importansiya ng kanilang buhay ay para ibigay ito sa bansang Roma. Sa kabilang banda, ang pagtingin naman ni Romulo sa kaniyang hinaharap na kamatayan ay hindi para sa Roma, kung hindi para sa buong mundo. Sa kaniyang pagkamatay, at sa hinaharap na pagbagsak ng Roma, ang mundo ay magkakaroon ng pagkalaya mula sa pagmamalupit ng mga nasyon.
Sa kabila ng lahat, ang magkakasalungat na nosyon ng nasyon ng mga tauhan sa dula ay may isang layunin — ang pagtatamo ng kabayanihan o kadakilaan sa bayan. Para sa mga nanood ng dula, si Romulo ay isang dakila dahil handa niyang isakripisyo ang kaniyang reputasyon sa kasaysayan. Handa siyang matandaan bilang ang huling emperador ng Roma, na siya ring nagpabagsak nito. Alam niyang hindi mauunawaan ng mga hinaharap na henerasyon ang kaniyang mga kadahilanan at kaya niya kusang pinabagsak ang Roma. Ang tanging mga nanuod lamang ng dula mismo ang silang makauunawa at makikita ang validity ng ginawa ni Romulo. Para naman sa Prinsesa Rea, Reyna Julia, mga ministro ni Romulo, Emperador Zeno, Ispurio Tito Mamma, ang kabayanihan ay ang pag-prepreserve at pagpapangalaga sa hawak na kapangyarihan ng trono ng Emperyong Roman. Nais nilang buhayin ang ala-ala na ang Roma ang pinakamalakas at pinakamalaking emperyo na nakita ng kasaysayan ng mundo. Nais nilang maging eternal ang kanilang bayan. At para naman kay Emiliano, ang kadakilaan ay siyang makakamit sa pag-lalaban sa mga taong nais humadlang sa best interest ng Roma. Para sa kaniya, hindi importante ang dugong tutulo basta mapanatiling buhay at maging malakas ang Roma.
Isang repleksyon
Ang dulang Romulus D’Grayt ay itinakdang isang “Unhistorical Historical Play” dahil ang isinasadula ay isang totoong pangyayari — ang pagbagsak ng Roma. Dagdag pa rito ay ang mga karakter sa dula tulad ni Romulus at ni Odoakro ay hindi piksyon, subalit ang kanilang mga kaugalian ay ginawang absurdo o kaya ay pinagrabe. Kahit na ang dula ay hindi 100% historically accurate ay sinusundan pa rin nito ng bahagya ang trajectory ng totoong kwento. Sa dula at sa totoong kasaysayan, si Romulus Augustus ang naging huling emperor ng Roma habang si Odoakro ang siyang nagpabagsak sa kaniya. Dahil sa paglisan niya sa trono ay nakakakuha siya ng pensyong 6000 ginintuang piso taun-taon (na makikita rin sa dula).
Ang dula, sa pangkalahatan, ay ginawang isang komedyang pagmamalabis sa kwento ni Romulo. Sa totoong buhay, si Romulus Augustus ay hindi kumikilos bilang isang hari dahil sa kaniyang murang edad, at dahil na rin siya ay isa lamang proxy ng kaniyang amang si Orestes. Ginamit ni Dürenmatt ang inkompetensiya ni Romulus Augustus at ginawa itong tanging dahilan sa pagbagsak ng emperyong Roman, kahit na sa katotohonan ay isa itong magulong isyu na maraming mga dahilan. Isa pang elemento na nagdagdag sa pagka “unhistorical” ng dula ay ang labis labis na pag-gamit ng kulutrang popular at ng mga biro. Maraming kulturang popular ang isinangguni ng dula tulad ng Deal or No Deal, ang “yes with reservations” ni Alma Moreno, ang pagka-confidently beautiful with a heart ni Pia Wurtzbach, at ng mga kantang Realize ni Colbie Caillat at ang Coming Out ni Diana Ross, at iba pa, na talagang pinatingkad ang kulay ng dula.
Para sa akin, ang pag-gamit nito ay upang mapatingkad ang dula sa pamamagitan ng paglikha ng isang atmosphere na magaan at nakakatatawa. Sa pagkakaroon ng isang atmosphere na magaan at nakakatawa, nagkakaroon ng isang ilusyon na ang mensahe ng dula ay hindi prinipresenta sa mga manonood ng buong-buo sa plato (o spoon fed) dahil ito ay naitatago gamit ng mga ironiya at kabaglighuan. Importante ito dahil, bilang isang sosyopolitikal na dula na ang mensahe ay nasasalamin ang realidad ng politikal dito sa ating bansa, ang mensahe ay likas na mabigat idibdib at isapuso at kaya ang satirikong uri ng dula ay pinapadali ang proseso ng paguunawa. Pangalawa, nakakatulong din ang kulturang popular at ang mga biro sa pagpapa-enganyo sa mga nanunuod ng dula. Syempre, karamihan sa mga nanunuod ng dula ay mga estudyante at kaya mas nagiging “in” sila sa dula dahil nakikita nila na ito ay nakakatawa. (Sa katunayan, ang aking kaharap nang ako ay manuod ng dula ay nakatulog subalit ay nagising at naenganyo nang dumating si Cesarup gamit ang hoverboard.) At bilang koneksyon sa babasahin ni Anderson, nagkakakaroon ng koneksyong homogeneous space and time sa dula sa pagsama-sama ng iba’t ibang mga kulturang popular sa loob ng nakaraang ilang taon at sa panahon ng pagbagsak ng roma. Lahat ng kaganapang ito ay nagkakaisa, nang panahong iyon habang kami ay nanunuod ng dula.
Ang Manok at Manukan
Central na metapora sa dulang Romulus D’Grayt ang manukan ni Romulo. Bago pa man pumasok sa bulwagan ay evident at tahasan na ang pag-gamit sa metaporang ito. Sa labas pa lang ng bulwagan, ay makikita na ang pag-gamit ng karton ng mga itlog bilang disenyo at ang mga higanteng itlog n na may tuyong damo sa installation sa labas. Bago pa man magsimula ang dula ay maririnig na ang tiktilaok ng manok na hudyat na malapit na magsimula ang palabas. Kahit ang disenyo ng set ng dula ay tahasang ginamit ang elemento ng manukan — ang mga poste na may itlog sa ibabaw, ang trono ng itlog, at kahit ang sahig na tila kumbinasyon ng marble (na talagang mga sahig ng mga palasyo sa Roma) at ang mga ugat ng itlog na makikita natin sa mga balot. Dagdag rito, ay gumawa ng karagdagang hakbang ang dula upang mabigyang diin ang importansiya ng manukan, sa pamamagitan ng personipikasyon ng manuk bilang isang tauhan sa dula.
Ang pag-gamit sa metapora ng manok ay dahil sa agrikultural na sensibilidad nito. Ang Pilipinas ay isang agrikulturang bansa maging noon pa man, at dahil dito na isama na sa ating kultura at panitikan ang importansiya ng manok. Maraming saliwakaing Filipino ang nakasentro sa paggamit ng Manok tulad ng “Ang palay ay hindi lalapit sa manok,”“Ang sisiw na nasa tabi ng inahin ang nakakakuha ng hita ng tipaklong,” “Basag ang Pula,” at marami pang iba. Napapayaman ng lokal na sensebilidad hinggil sa manok ang dula sa pamamagitan ng pagbigigay liwanag sa mga kalikasan ng karakter at mga eksena ng dula gamit ng pagkukumpara nito sa lokal na sensebilidad ng manok. Halimbawa na rito ang kakaiba o sirang pag-iisip ni Romulo, na siyang maikukumpara natin sa isang basag na itlog kung saan nasira ang pula. O kaya ay maipaliliwanag rin nito kung bakit nais lumipat nina Pirena at Akila sa bagong amo, tulad ng mga manok na nalikas na mapag-agaw sa mga pagkain at ibang kayamanan mula sa kanilang inang manok.
Ang karakter ng manok ay naging isang story-telling device sa dula dahil sinasalamin nito ang kilos ni Romulo. Si Romulo, tulad ng isang manok, ay nakaupo lamang buong araw maliban na lamang kung ito ay pinapakain. Hindi ito kumikilos kahit na marami ang umaasa rito. Ang manok ay inaasahang mangitlog ng isang pamilya upang mabigyang sila ng pagkain o kita mula sa pagbebenta ng mga itlog nito. Si Romulo naman ay inaasahan ng kaniyang mga sinasakupang upang iligtas ang kanilang bansa. Isa pang aking napagtanto, ay ang mga manok ay nakapangalan sa mga emperador ng emperyong Roman tulad nina “bokyang” Orestes, “walang binatbat” na si Marcus Aurelius, at ni Romulus ang unang emperador ng Roma. Ang mga manok na ito ay isa-isang nawawala, tulad ng unti-unting pagkawala ng emperyong Roman sa pamumuno ni Romulo. Sinisimbolo rin ng kahirapang mangitlog ng manok ang matinding kagustuhan ni Romulo na pabagsakin ang Roma. Tuwing nagkakaroon ng huwad na kapanganakan ang manok, makikita natin na siya at talagang nagagalit sa sarili niya, at talagang napipikon siya tuwing pinag-uusapan ang kawalan ng kaniyang kakahayang mang-itlog. Sa kahulihan lamang siya ng dula nangitlog muli, sabay ng pagkabagsak na mismo ng emperyong Roma.
Bilang pagtatapos, nais ko lamang balikan ang mensaheng nais ipahiwatig ng dulang Romulus D’Grayt at ilagom ito sa ating konteksto ngayon. Sa darating na May 9, iboboto ng ating bansa ang susunod na administrasyong mamumuno sa ating bansa. Bilang mga edukadong mga mamamayan, tayo ay may obligasyon na gamitin ang ating natutunan upang maging impluwensiya sa ating mga kababayan. Piliin natin ang mga lider na may integridad at katapatan sa bansa, at hindi ang mga opisyales na ang layunin lamang ay ang magpayaman. Ipagtaguyod natin ang isang malinis at makatarungang eleksyon. Nasa ating kamay ang kinabukasan ng ating bayan at ating mga kababayan. Hikayatin natin ang lahat na maging aktibo sa eleksyon at gawin ang ating papel upang masigurong maganda ang kinabukasan nating lahat!
Disclaimer: Hindi ko pag-aari ang kahit anong litrato na aking ginamit. Ito ay mula sa Ateneo ENTABLADO Facebook Page. :)
Sanggunian:
http://www.history.com/news/history-lists/8-reasons-why-rome-fell
https://en.wikipedia.org/wiki/Romulus_Augustulus
http://www.roman-empire.net/collapse/romulus.html
http://thestandard.com.ph/lifestyle/arts-life/197684/romulus-d-grayt-an-unhistorical-historical-play-.html
https://www.facebook.com/ateneo.entablado/?fref=ts
Sanggunian:
http://www.history.com/news/history-lists/8-reasons-why-rome-fell
https://en.wikipedia.org/wiki/Romulus_Augustulus
http://www.roman-empire.net/collapse/romulus.html
http://thestandard.com.ph/lifestyle/arts-life/197684/romulus-d-grayt-an-unhistorical-historical-play-.html
https://www.facebook.com/ateneo.entablado/?fref=ts
No comments:
Post a Comment